Saturday, September 6, 2014

Pag-uuyam

Lahat ng bagay nagbabago.
Ang ihip ng hangin...
panahon...
mga kuru-kuro...
damdamin...
at pananaw sa buhay.

Noon, ang aking pananaw, kapag hindi ka na maligaya iwan mo na.
Carpe Diem ika nga nila...
ika ng iba...
ika ng lahat.

Malawak ang mundo,
madaming taong nakakahalubilo,
madaming mukhang nakakaharap,
mga taong nakikilala.

Masarap magmasid sa mga tao.
Makinig sa kanilang mga kuro-kuro...
Subalit kapag ang ingay ay tila baga nakakabagabag na ng iyong damdamin,
madali namang tumayo at umalis.
O dili naman kaya ay maglagak ng mumunting bagay na may kurdon sa iyong mga tenga
at punuuin ang iyong mundo ng musika malayo sa ingay ng iyong paligid.

At sa mga ganitong mumunting sandali 
ako ay nakakalingap ng katahimikan ng loob at pag-iisip.
Lunod ng musika...sa munting espasyong tanging ako lang ang nakakaunawa.

At sa aking mumunting mundo, 
ako ay magigising sa katotohanang
maligaya man ako sa daan kong tinatahak,
ang mga puno sa paligid ang lumulukob para mahagilap ko ang liwanag ng umaga.